Tila biglang tumalon-talon ang puso ko sa galak. “Payag si Carl, na magpakasal tayo, Maritess! Payag sya!” ang masaya kong sigaw habang yakap-yakap na si Maritess.
Dumating ang araw ng kasal. Dahil sa hindi pa natapos ang 9 na araw na padasal para kay James, napagdesisyonan ang pamilya na gawing simple lang ang okasyon at sa kapilya ng baranggay na lang idaos pagbigay respeto kay Sir James. Walang mga espesyal na taong imbitado, maliban na lang sa mga piling-pili kong kaibigan. Wala ring magagarang damit pangkasal, o mga groom’s men at bride’s maids. Casual lang ang lahat. Kumbaga, parang ordinaryong araw lang na pupunta sa kapilya. Ang kapitan ng baranggay ang Ninong sampu ng mga kagawad. Ngunit dahil sa nalaman din ng buong baranggay, marami pa rin ang nag-attend. Siguro dahil ang okasyon ay may kinalaman sa akin, na anak ng main donor at syang nagpapatayo ng school nila sa baranggay, at sa kagustuhan na rin nilang makibahagi sa importanteng bagong yugto na iyon sa buhay namin ni Maritess.
Sinadya kong hindi ipaalam kay mommy ang okasyon. Nais ko kasing sorpresahin sya at upang hindi na rin sya makaka-reklamo pa. Ang mommy kasi, kapag ganyang may okasyon, gusto lahat naka-plano at perpekto. Ayaw nya yang mga last-minute na mga preparasyon o rush na activities. Ganyan sya ka-organize. Kaya kapag nalaman nya bago pa man ang kasal, malamang na walang kasalang mangyari sa araw na iyon. Kaya, nung pinasundo ko sya, pinasabihan ko na lang na may importanteng urgent na nangyari sa baranggay at sa school. Kaya, dali-daling nagpunta ang mommy, naka-rugged – maong, t-shirt at sneakers, nagtataka kung bakit ora-orada ang pagsundo sa kanya.
Nasa loob na ang lahat ng kapilya at tinatanong na ng pari kong may hahadlang. Sya namang pagpasok ng mommy, at sa kalituhan sa nakitang tagpo, sumigaw “Hintay!” at tumakbo diretso na sa harap ng altar at ng pari, hinawakan nya ako sa balikat, “Carl, ano ito? Huhuhuhu! Ano ba itong ginawa mo sa buhay mo, Carl! Ano itong ginawa mo sa akin? Huhuhuhu!”
“A… ehem! Mrs. Miller, ituloy pa po ba natin ang kasal?” pag interrupt ng pari.
“Hindi!” ang malakas at tila pabulyaw na sambit ng mommy.
Nag-react ang mga tao sa pagkabigla at biglang natahimik.
Nung mapansin ng mommy ang mga mata ng lahat na nakatutuk sa kanya, tila binuhusan sya ng malaming na tubig sabay sabing, “Hindi! Hindi ako hahadlang, ituloy nyo na po padre! Paki-dalian nyo lang! Huhuhu!!” sabay tungo sa upuang inireserba para sa kanya.
Natawa na lang ang mga tao. At nung binigkas na namin ni Maritess ang salitang “Oo” sa isa’t-isa, lalong lumakas ang tila pagrerebeldeng iyak ng mommy. “Carl! Huhuhuhu!”
Hanggang sa natapos ang kasal at binati na kaming dalawa ni Maritess ng mga tao. Binati din ako ni Ricky, ang best friend ko sa College na inimbitahan ko. “Tol, bakit ka ba nagbago?” ang pasimple nyang bulong.
“Anong bakit ako nagbago?” Bulong ko rin.
“Kasi… e… wala na akong kakampi ngayon.”
“Anong walang kakampi, di ko maintindihan?”
“Kasi… lalaki na ang hinahanap ko ngayon, tol!”
“Wag kang magbibiro ng ganyan, tado ka!”
“Totoo, tol. Nagkatuluyan kami nung sekyu ng skul. Heto nga o, may kissmark pa syang pabaon sa akin” at pasekretong itinuro nya ang kanyang leeg.
“Gago ka pa rin talaga hanggang ngayon!” sabay batok sa kanya. Tawanan na lang kaming dalawa.
Hindi pa rin kumibo ang mommy. Nung kainan na, bigla na lang syang tumayo at nagsimulang magsalita. “Excuse me everyone! Nandito po ako ngayon sa inaakalang may problema dito sa baranggay at kailangan ang tulong ko. Ngunit ito pala ang nadatnan ko, ang ikasal ang kaisa-isa kong anak, at sigurado ako na pakana na naman nya ito. Simula nung maliit pa yan, palagi na lang akong halos atakehin sa puso, lalo na kapag ipinatatawag sa school dahil sa pambobugbog nyan ng kaklase, o paglalagay ng thumb tax sa upuan ng teacher, o kung anu-ano pang mga kalokohan. Ngayong nagbago na, heto, muntik na naman akong mamatay sa atake. Hindi ako tutol sa kasal. Ang gusto ko lang sana ay… hindi man lang nya ako tenyembrehan para naman makapag-makeover ako! Huhuhu! Ni wala akong dalang extra na damit, amoy pawis ako, ni wala man lang kahit lipstick. Ni wala akong dalang videocam! Imagine kasal ng kaisa-isa kong anak at… hindi ako maganda! Huhuhu! Tawanan ang lahat. “Nung umuwi yan ng bahay, nagsuggest sa akin yan na mag-tour kami… Tapos, bigla na lang naglaho di man lang nagpaalam? At dito pala napunta at heto kasal na, ni ho, ni ha, wala? Palagi nalang akong naiisahan nyan.” Tiningnan nya ako na may pagbabanta sa kanyang mga mata. “Naka-book na ang tour natin sa Europe at ako ang dapat na masusunod ngayon. Itutuloy natin ang scheduled tour natin…”
Napakamot ako ng ulo. “Mommy naman, kakakasal ko lang… mag-honeymoon pa kami.”
“At bakit? Hindi ba pweding doon kayo mag-honeymoon sa Europe?”
Tawanan, palakpakan ang lahat.
Pagkatapos ng celebrasyon, nagpunta ulit kaming lahat sa puntod ni Sir James kasama ang mga bisita, at nagbaon ng kaunting pagkain, alay sa kanya. Kung dati nababalot sa sobrang lungkot at pighati ang tagpo sa libingan nya, sa pagkakataong iyon ay tila tanggap na ng lahat ang pangyayari ng maluwag sa dibdib. Ikini-kwento ko rin sa mga tao ang panaginip ko kay Sir James; na nakita kong masaya sya, at na ayaw nyang makitang malungkot ang lahat. Maluha-luha pa rin yung iba, lalo na ang mommy na nanghinayang sa sobrang galing ni Sir James. Inilatag namin ang pagkain sa ibabaw ng puntod, at nag-alay na rin ng dasal. Naki-cooperate din ang panahon. Ang mainit na sinag ng araw ay bahagyang tinatakpan ng ulap, may pabugso-bugosng katamtamang hangin na syang nagbigay ng preskong pakiramdam. Napapansin ko na rin ang awit ng mga ibon, ang mga berdeng dahon ng puno at halaman na nakapaligid, tila nagpapahiwatig ng kasayahan nila sa tagpong iyon, at ang mga ngiti sa mga mukha ng bawat taong dumalo. “James, salamat sa lahat. Alam kong masaya at mapayapa ka sa kinaroroonan mo ngayon.”
Nag honeymoon nga kaming mag-asawa sa Europe; ang pag-alaga ng itinanim ni Sir James na puno ay inihahabilin ko pansamantala kay Anton. Habang nasa honeymoon kami ni Maritess, hindi naman magkamayaw ang mommy sa pagsa-shopping ng kung anu-ano para sa magiging apo nya, at sa plano nyang pag-iischedule uli ng kasal namin ni Maritess pagbalik ng Pilipinas; isang engrandeng kasal na base sa plano at pangarap ng mommy ko para sa akin. Natuloy din iyon, at sa pagkakataong iyon, natupad din ang gusto nya: na mapaghandaang maigi at makita syang maganda sa kasal ko.
Sampung taon ang nakalipas at marami na ring nagbago. Kung ang baranggay nina Tatay Nando na dati ay napakahirap tahakin, may sementadong kalsada na nagdugtung nito sa kabihasnan, at madali na syang puntahan. Ang dating bahay nina Tatay Nando ay pinagawa ko; konkreto, may second floor, at ginawan ko pa ng extension para sa amin ni Maritess. Doon na rin kami nanirahan.
Sa pamilya naman nina Tatay Nando, si Anton ay isa nang negosyante, nakapag-asawa at may dalawang anak; si Dodong ay nakapagtrabaho sa abroad bilang isang engineer; si Clara ay nagtuturo na rin sa Baranggay School na dating pinamunuan ni sir James, samantalang ang bunsong si Letecia ay magtatapos na sa kursong komersyo sa darating na graduation. At dahil sa pagpapakasal namin ni Maritess, masayang-masaya sina Tatay Nando at Nanay Narsing. Nawalan man sila ng isang James sa pamilya, may kapalit naman ito, sa pagkatao ko.
Dahil sa isang guro, si Maritess na ang namumuno sa eskwelahang sinimulan ni Sir James. Kung nuon nagsimula lang ito sa non-formal classes, naging isang private non-stock, non-profit elementary/high school na ito na sinusuportahan pa rin ng mga non-government organizations, na syempre kinabibilangan ng mommy ko.
Malaki na rin ang puno ng manggang itinanim ni Sir James. Namumunga na, at napakatamis ng mga bunga nito. At base sa nais ni Sir James, ito ang nagsilbing pinaghuhugutan ko ng lakas, ang nilalapitan ko sa panahon ng kalituhan, kalungkutan at kagipitan. Kadalasan din, sa ilalim ng lilim nito ko dinadala ang pamilya ko at doon nagpi-piknik, nag-iihaw, o nakikipaglaro sa mga bata…
Alam ko na habang may buhay pa ako, hinding-hindi ko na pweding malimutan pa si Sir James. Hindi lang dahil sa puno ng mangga na itinanim nya para sa akin, kungdi dahil na rin sa dalawang supling namin ni Maritess na syang nagbibigay kulay sa aming pagsasama at nagbuo ng buhay at pagkatao ko: ang 10 taong gulang na si James Miller na kahawig na kahawig at manang-mana kay Sir James; at ang 9 na taong bunso naming si Carl Miller, Jr. na syempre, kamukhang-kamukha ko at manang-mana naman sa akin. At itong dalawang supling din ang syang dahilan sa lubos na kaligayahan at pagpapasalamat ng mommy ko dahil sa wakas, nabigyan ko sya sa matagal nya nang inaasam-asam at minimithi na hindi lang isa, kundi dalawang malakas, makukulit, at makikisig na mga apo. Sa dalawang munting anghel na iyan imiikot ang buhay naming lahat.
Ngayon ko lang napagtanto ang kahulugan ng ipinahiwatig sa akin ni Sir James sa panaginip kung bakit dapat akong matuwa; dahil sa pamamagitan ng mga anak namin, natupad ang aming pangarap na magsama at hinding-hindi maghiwalay, hindi man bilang magkasintahan kundi bilang magkapatid. Dahil dito, at ano man ang mangyari, mananatiling buhay sa puso’t isip ko ang minamahal at nag-iisang – Idol kong si Sir…
~WAKAS~
Mga Kabanata ng IDOL KO SI SIR
Ang kuwentong ito ay orihinal na gawa ni Mike Juha
Tags: IDOL KO SI SIR



































Entries (RSS)