Tinupad nga nya iyon nung magkita kami ulit sa harap pa ng klase nya. Akala ko nga, hindi nya na gagawin iyon dahil nagka-klase sya e. Ngunit sadyang pursigido syang panindigan ang sinabi. Gusto nya kasing ipakita din ang marka sa dibdib nya gawa ng pagkudlit nun bago kami magdesisyong maghiwalay pansamantala ng isang taon. At nakuha ko na ang ibig nyang sabihin, kung bakit ayaw nyang may damit pang-itaas sya sa burol nya. Kaming dalawa ang nakakaalam.

Alas singko ng hapon sa araw ding iyon inihatid si Sir James sa huling hantungan nya. Halos buong baranggay ang di magkamayaw sa pagtulong sa lahat ng preparasyon sa burol. Kahit ang mga tao sa mga karatig baranggay ay nandun din, naki dalamhati. Pati na ang mga estudyante nya at ilang mga madre sa dating tinuturuan na nakaalam ay walang pag-aatubiling umakyat sa bulubundoking lugar, makiramay lang at makihatid. May mga nag-abuloy ng pera, kung anu-ano gaya ng mga alagang manok, baboy, pananim na gulay, prutas. Lahat ng tao sa baranggay ay nakiramay at nagluluksa. Siguro, kulang na lang na gawan nila ng rebolto si Sir James.

Ako, si Anton, Dodong, at ilang mga matatalik na kaibigan ang naka-assign na bumuhat sa kabaong. Handa na ang lahat na buhatin ang kabaong nung bigla kong hinubad ang t-shirt at isinaksak ang dulo nito sa likurang bulsa ng jeans at hinayaang nakalawit iyon. Nagtaka ang iba pa naming mga pallbearers. Ngunit nung hinubad na rin ni Anton ang t-shirt nya at sumunod si Dodong, lahat na sila naghubaran na rin ng mga t-shirts. Nung makita ng iba pang mga kalalakihan ang ginawa namin, nagsihubaran na rin sila. Habang buhat-buhat namin ang kabaong nya at naglalakad patungong sementeryo, patuloy naman ang pag-agos ng luha ko. Halos hindi pa rin matanggap ng isipan na wala na sya; na buhat-buhat ko pa ang kabaong nya. Nung sa wakas ay inilatag na ang kabaong sa hukay, hindi na nakayanan ng katawan ko ang sobrang tension, lungkot, pagod, at kakulangan ng tulog. Nawalan na ako ng malay. Inagapan kaagad ako nina Anton, Tatay Nando at Dodong.

Gabi na nung makauwi kami ng bahay. Mabigat pa rin ang kalooban at tila disoriented sa panibagong set-up na biglang naglaho ang mahal sa buhay. Dumeretso ako sa kwarto ni James. Nahiga sa banig at unan na huli nyang ginamit at kung saan nakita kong dumaloy ang mga luha nya nung huli ko syang iniwan. Tila nawalan ng kulay ang mundo. Ang dating kwarto na kung saan ilang ulit naming ipinadama sa isa’t-isa ang wagas ng pag-iibigan ay mistulang nagluluksa din. Hinagod ng mga kamay ko ang papag sa paligid ng hinigaan ko. Hinahanap-hanap ng mga paa ko ang init ng mga paang dati ay nakahanda lang sa mga dantay ko. Ngunit wala na ang mga ito. Walang humpay ang pagtagos ng aking luha…

Nasa ganung ayos ako nung biglang pumasok si Anton. “Carl, may ipapakita ako sa iyo. May inihahabilin kasi Kuya James na importanteng ipakita ko daw sa iyo!”

“Ano yun, Anton?” Ang tanong ko.

“Halika, samahan mo ako.” Kinuha muna ni Anton ang flashlight at dinala nya na ako sa may harapan ng bahay, may mga 60 metro ang layo galing sa bungad nito. “Heto, kagabi itinanim ni Kuya James tong mangga at ang sabi nya, ipakita ko daw sa iyo. Tinulungan ko nga syang maghukay jan dahil groggy na sya nun e, halos hindi na makayanan ang sarili. Sinabihan ko nga na magpahinga na lang muna dahil naduduwal, at nagsusuka pa nga. Kaso, ayaw paawat. Dapat daw nyang magawa muna ito saka na sya magpahinga. Kaya, tinulungan ko na para matapos kaagad. Awang-awa nga ako sa kanya, e. Pagkatapos naming maghukay, may inilagay syang box atsaka itinanim na yang mangga. Ipakita ko lang daw sa iyo to at alam mo na ang gagawin…”

“Salamat Anton, salamat at kahit papanu, nanjan ka, umalalay kay Kuya James mo”

Pinakawalan ni Anton sa akin ang isang titig na animoy nagpapahiwatig ng pagdamay, ng pang-unawa. “Mahal na mahal ka ni Kuya James Carl. Hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay, ikaw pa rin ang nasa isip nya…”

Sinuklian ko lang sya ng tango at pilit ngiti.

Nung makaalis na si Anton, dali-dali akong naghanap ng karton kung saan ko inilagay ang mga alaala namin ni Sir James, kasama na ang white gold bracelet na kahawig na kahawig ng ibinigay ko sa kanya. Inilagay ko rin ang damit at pantalon na sinuot ko nung gabing nagkudlit kami ng aming mga balat. Bago ko isinara ang box, gumawa ako ng sulat. “Dear James…. pangako ko sa iyo, susundin ko ang mga bilin at mga inihahabilin mo sa akin. Habang may buhay pa ako, aalagaan ko ang pagmamahalan natin. Susundin ko ang lahat ng mga payo mo. At dito sa itinanim mong puno, dito ako huhugot ng lakas, dito kita hahanap-hanapin sa mga oras na kailangan ko ng masasandalan, o kaya kung kailangan kong i-share ang mga tagumapay. Dito, ipagpatuloy ko ang pagmamahal sa iyo. Salamat sa pagdating mo sa buhay ko. Salamat sa mga masasayang ala-ala. Pinaghiwalay man tayo ngayon ng tadhana, saksi ang punong itinanim mo sa nararamdaman ko para sa iyo: mahal na mahal kita. At habang pumipintig pa ang puso ko, ikaw palagi ang hahanap-hanapin nito… Hintayin mo ako, James. Sa kabilang buhay, hindi na tayo paghihiwalayin pa.” at idinampi ko ang sulat sa mga labi ko bago ito inilagay na sa box.

Binalikan ko ang punong itinanim ni James at hinukay ulit iyon. Pinatay ko ang flashlight na bigay ni Anton at hinayaang ang sinag na galing ng bahay ang syang magsilbing ilaw. Gamit-gamit ang pala, hinukay ko ng marahan ang puno ng seedling ng mangga at inilipat pansamantala. Pagkatapos, hinukay ko naman ang box na syang ibinaon ni Sir James. Nung makapa na ng mga kamay, hinugot ko iyon. Umupo ako sa gilid ng pinaghukayan, inilagay sa kandungan ang box, pinagmasdan, niyakap-yakap at idinadampi-dampi sa mga labi. May ilang minuto din ako sa ganung ayos. Bago ko ibinalik muli ang box, sinulatan ko ang labas nito, “James Loves Carl”. Tapos, kinuha ko ang box ko at sinulatan ko din, “Carl Loves James”. Hinubad ko ang t-shirt, kinuha ang swiss knife sa bulsa at kinudlitan ang upper part ng chest kung saan nandun ang marka nung dati naming pagkudlit. Ipinapatak ang dugong dumadaloy sa dalawang boxes. Masakit, mahapdi, ngunit tiniis ko. Pagkatapos, pinagdikit ko na ang dalawang boxes gamit ang masking tape bago ibinalik muli sa hukay, tinakpan ng lupa at sa ibabaw nun ibinalik na rin sa pagtanim ang mangga.

Sa buong gabi na iyon, sa dating kwarto namin ni James ako nagmu-mukmok. Pakiwari ko‎ napakabagal ng oras, napakalamig ng gabi. Kung ang dating ingay ng mga nocturnal na mga hayop at ang mga nagkiskisang dahon gawa ng pagbugso ng hangin ay naririning ko, sa gabing iyon tila nakakabingi ang katahimikan. Nakakabagot, napakabagal ng takbo ng oras, di malaman ang gagawin, at ang larawang nasa isip ay ang maamong mukha ni Sir James, tila nanjan lang sya, abot-kamay, napakalapit. Ngunit, sa loob lang ng isipan…

Maya-maya at marahil ay bunga na rin ng sobrang lungkot sa di matanggap-tanggap na bilis ng pangyayari, bigla na lang akong bumangon at tinungo ang sementeryo, di alintana ang nakakapanindig-balahibong lamig ng simoy ng hangin at ang nakakapangilabot na ungol ng mga aso. Naupo ako sa gilid ng puntod niya, parang baliw na nakikipag-usap, ibinubuhos ang lahat ng hinagpis at sama ng loob. Hanggang sa doon na rin ako nakatulog.

Sa panaginip ko nagpakita si Sir James. Animoy napakasaya nya, napakapayapa at tila nababalot ang buong katawan ng kaayaayang liwanag. Inakbayan nya ako at pinayuhan na wag nang malungkot dahil ang paglisan nya ay may dahilan. Pagkatapos ay itinuro nya sa akin ang dalawang batang lalaking masayang naglalaro sa ilalim ng puno ng mangga; ang isa ay kahawig na kahawig nya at ang isa naman ay kahawig na kahawig ko. “Sila ay tayong dalawa, Carl. Masaya ako, dapat ay ganun ka rin…” Yun ang eksenang tila buhay na buhay na naiwan sa aking isipan.

Nagising ako nung tumama sa mga mata ko ang sikat ng araw. “Akala ko ay totoo…” bulong ko sa sarili nung matanto na panaginip lang pala ang lahat. “Siguro, yung puno ng mangga ay yun ang itinanim nya at lumaki na. Ngunit bakit naging bata ulit kami?” Nabalot man ng matinding kalituhan ang isip sa di maintindihang kahulugan nun, tila nahimasmasan na rin ako na nakita syang masaya at mapayapa. Nagpaalam ako sa kanya; idinampi ang mga labi sa tuktok ng krus sa may uluhan ng kanyang puntod at dumeretso na ng bahay kung saan ang buong pamilya nina Tatay Nando ay nasa harap na ng hapag kainan, maliban lang kay Anton na naghahanap sa akin. Bakas pa rin sa mukha nila ang tindi ng lungkot at hinagpis na nadarama. Kung dati nakikita ko ang saya nila at ang pagbibiruan kapag nagkakasamasama sa hapag-kainan, sa umagang iyon, halos lahat ay tulala, hindi makapaniwalang wala na ang isa sa itinuturing nilang haligi ng kanilang pamilaya, ang tumatayong panganay at kuya, o halos pangalawang tatay na.

“Saan ka ba nagpunta, Carl? Hanap kami ng hanap sa iyo. Ayon si Anton, pinuntahan ang kubo nya sa may tabi ng ilog nagbabakasakali na nandun ka…”

“Pasensya na po, Tay… Hindi ho ako makatulog kaya naisipan kong lumabas…”

“Saan ka naman nagpunta?”

“Sa puntod po ni Sir James. Doon na rin po ako nakatulog.”

“Susmaryosep!” Sambit ni Nanay Narsing. “Mabuti na lang at walang masamang nanyari sa iyo. Mag-ingat ka rito Carl baka mapahamak ka, magagalit ang Mommy mo sa amin. Atsaka… tibayan mo ang loob mo. Lahat tayo naapektuhan sa pagkawala ni James. Masakit ngunit wala na tayong magagawa pa. Sadyang ang nasa taas lang ang nakakaalam kung bakit niya kinuha si James ng ganyan kaaga. Kagaya mo mahal na mahal din naming lahat ang batang iyon. Ngunit wala na tayong magagawa. Ipaubaya na lang natin ang lahat ng nasa taas…”

“Pasensya na po, Nay. Di na po mauulit…” at namuo na naman ang mga luha ko at dumaloy sa pisngi. “Naisip ko lang kasing samahan si Sir James… parang di ko kasi mapatawad ang sarili nung pumanaw sya na di ko man lang nadamayan hanggang sa huli nyang hininga. Nasa tabi nya na sana ako noon, ngunit umalis pa’t umuwi ng syudad. Kaya naisip ko na kahit sa paraang iyon, maipadama ko sa kanya ang labis kong pagsisisi.” Hindi na rin napigilan ng lahat ang tumulo ang mga luha nila, at pilit na pinigilan ang paghagulgol.

“O, e, nandito na pala si Anton. Anton! Halika na, nandito na si Carl!” ang pasigaw na tawag ni Tatay Nando, pagputol na rin sa napakalungkot na tagpo.

“A, nandito na nga si Carl!” sagot naman ni Anton “May nakakakita kasi sa kanya na patungo na raw dito, kaya dumeretso na ako. Saan ka ba nanggaling Carl?” tanong ni Anton sa akin.

“Jan lang…” ang matamlay kong sagot.

Naupo si Anton sa hapag. Matamlay, halos ayaw nang maglagay ng pagkain sa plato. Tinikman ko lang ang tuyo at sumubo ng dalawang kutsarang kanin, nanatiling nakaupo, nakiramdam, at naghintay na matapos silang lahat sa halos hindi magalawgalaw nilang pagkain.

“Kumain ka ng marami, Carl para ka lumakas.” payo ni Tatay Nando.

“Tama na po iyon, Tay, wala pa po akong gana.” ang sagot ko naman

Tahimik ang lahat nung biglang sumingit si Dodong. “Paanu yan, Nay e di na matutuloy ang kasal nina Ate Maritess at Kuya James?”

Nagtinginan ang lahat kay Maritess. Nung tiningnan ko siya. Nakita ko sa mga mata ang sobrang paghihinagpis. “Magre-resign na lang po ako sa tinuturuan ko, Nay, Tay…” ang malungkot nyang sabi.

“Bakit naman?” ang tanong ni Nanay Narsing.

“Syempre…” hindi kaagad naituloy ni Maritess ang sasabihin, nasamid sa sobrang pagpigil sa pag-iyak. “Tatanggalin din naman nila ako dahil bawal ang mabuntisan.” At tuluyan na syang humagulgol. “Atsaka, hindi ko na po kaya ang mga tsismis ng mga tao, ng mga kasamahan ko sa trabaho” dagdag nya.

Parang tinusok ang puso ko sa nararamdamang paghihirap ng kalooban ni Maritess. Naalala ko bigla ang habilin ni Sir James sa akin. “…hihilingin ko sa iyo na kung sakaling matapos bigla na ang buhay ko, alagaan mo si Maritess at ang magiging anak namin. Sana, nanjan ka palagi sa tabi nila, aalalay sa kanilang mga pangangailangan…” Hindi ko maintindihan ang sarili nung biglang pumasok iyon sa isip, at tila may nag-udyok sa akin na magsalita. “A, e… Tay, Nay, ituloy na lang po natin kaya ang kasal… Kung papayag po kayo at si Maritess, ako po ang tatayong groom ni Maritess”

Nagtinginan silang lahat sa akin sa pagkabigla, nagtataka kung bakit nasabi ko ang ganun. Ako man ay halos di makapaniwalang lumabas sa mga bibig ko ang mga katagang iyon. Nilingon nina Tatay Nando at Nanay Narsing ang isa’t-isa, nag-salubong ang kanilang mga titig, bakas ang pagkalito ngunit tila nag-uusap, habang si Maritess ay biglang tumayo at tumakbo papuntang kwarto niya.

Hindi kaagad nakapagsalita nina Tatay Nando at Nanay Narsing. “A… e… Carl, sigurado ka ba jan sa sinasabi mo? Napakamaselang bagay ang sinabi mo at ang pagpapakasal ay hindi isang pagkaing pwedi mong isubo at iluwa pag inaayawan mo na. Isa pa, ang nagpapakasal ay dapat nagmahalan.” Sabi ni Tatay Nando at tumango-tango naman si Nanay Narsing.

“Tay, hindi lahat ng nagpapakasal ay nagsimula sa pag-iibigan. Marami ring mga kasong nagsimula sa pangangailangan, yung iba ay sa kaugalian o kultura. Yung iba ay sa paniniwala. Hindi mahirap mahalin si Maritess, Nay, Tay. Maganda, matalino, at higit sa lahat, napakabait… Napakarami na pong dumaang babae sa mga kamay ko nung estudyante palang sa syudad at nakita ko na ibang-iba si Maritess sa kanila. Alam ko yan dahil sinusubaybayan ko ang pagpapaaral ng mommy sa kanya, sa mga natamong honors nya sa school, sa mga activities na ini-initiate nya… Pati nga ang mommy ay hangang-hanga sa kasispagan at determinsayon nya e.”

“Kahit na buntis sya…? Paano na lang ang mommy mo? Papayag kaya sya?”

“Hindi po kasalanan ni Maritess ang mabuntis, Tay. At hindi nya po nya kasalanan ang mamatay ang taong nakabuntis sa kanya. At tungkol sa mommy, kilalang-kilala ko sya. Lahat handang ibigay nun sa akin. Lalo na kung mag-aasawa na ako at kay Maritess pa. Gustong-gusto na nun ang magkaapo. Magtiwala po kayo.”

“Kung ganun, bakit di natin itanong kay Maritess?”

Sinundan ni Nanay Narsing si Maritess sa kwarto nya. Maya-maya, lumabas si Nanay. Umiiling-iling.

“Ano po ba ang sabi ni Maritess, Nay?”

“Ayaw nya. Nahihiya, sobra-sobra na daw ang pagtulong mo sa amin, Carl.”

“Ok, ako na ang kakausap sa kanya” Pinuntahan ko sya sa kwarto. Nung mag-usap na kami, pakiwari ko, bumabalik ang pagka-chickboy nung estudyante pa lang ako; nung pakawala pa sa buhay at kahit sinu-sino ang nililigawan, kahit na guro. Ngunit sa sitwasyon na iyon kay Maritess, animoy naging seryoso akong nanligaw, kumbaga, ang mga sinasabi ay galing sa puso. Kinumbinse ko si Maritess sa kahalagahan ng pagsilang at pagpalaki nya ng baby nila ni James na may tatay na nakikita. Ginawa kong batayan ang sarili, sa paglaki kong walang ama dahil namatay din ito nung maliit pa ako, ang hirap na naranasan nung lumaki ako na walang amang gumagabay, ang sakit ng paghahanap ng pagmamahal ng isang ama, ang pag-iyak ko sa tuwing nakikita ang mga kalaro na sinusundo ng mga daddy nila, o kasama nila sa pamamasyal. “Kung ayaw mong magpakasal sa akin dahil hindi mo ako mahal, kahit dahil sa baby mo na lang” ang sabi ko.

“Bakit mo ginawa ito, Carl? Para ba sa akin o para kay James?”

“Pareho, at para na rin sa bata… Bakit, hindi mo ba ako kayang mahalin?”

Hindi sya kumibo. “Hindi sa ganun, Carl. Sa totoo lang, lahat ng babae ay nangangarap na makapag-asawa ng lalaking kagaya mo. Nasa iyo na ang lahat – hitsura, yaman, talino, sipag, at higit sa lahat, kabaitan.”

“So…?”

“Hindi ko alam. Hindi ako bagay sa iyo. At… kamamatay lang ni James”

“Tess, Sabado ang gustong kasal ni James. At sigurado ako, na pag itinuloy natin iyon, matutuwa sya. I swear.”

“Sinabi ba nya yan sa iyo?”

“Sinabi nya na alagaan ko kayo, na alalayan ko kayong mag-ina sa mga pangangailangan ninyo. At alam mo, kagabi, nanaginip ako kay Sir James. Masaya sya, mapayapa. At sinabi nyang may dahilan daw ang lahat. Ayaw nyang sa pagpanaw nya ay malungkot tayo, Tess…”

Hindi na sya kumibo, at tumulo na lang ang luha. Niyakap ko sya. Tuluyan na syang humagulgol sa mga braso ko. Lumabas kaming dalawa ng kwarto. “Tay, Nay, tuloy po ang kasal sa Sabado!”

Tila nabuhayan ng loob ang lahat sa di inaasahang narinig. Ang napakalungkot na tagpo ay biglang tila nabigyang buhay at nakapagbigay ng ngiti sa mga labi ng bawat isa sa pamilya. Nagpalakpakan sa tuwa ang mgakakapatid na sina Anton, Dodong, Clara, at Letecia.

Agad naming tinungo ni Maritess ang puntod ni James at ipinaalam ang desisyon. Bumulong ako, “James… alam kong ikaw ang nagtulak na gawin ko ang desisyon na ito. Nandito kami upang hingiin ang iyong basbas. Sana, masaya ka sa desisyon naming ito ni Maritess. Bigyan mo kami ng palatandaang wala kang pagtutol sa gagawin namin…”

Pagkatapos na pagkatapos kong sabihin iyon, naramdaman kong animoy may dumamping malamig na hangin sa pisngi ko. “Naramdaman mo iyon?” Tanong ko kay Maritess.

“Ang ano?” sagot nya.

“Malamig na hangin na tila dumampi sa pisngi ko!”

“Oo Carl, naramdaman ko rin sa pisngi ko!”

Tila biglang tumalon-talon ang puso ko sa galak. “Payag si Carl, na magpakasal tayo, Maritess! Payag sya!” ang masaya kong sigaw habang yakap-yakap na si Maritess.

[ITUTULOY...]

Mga Kabanata ng IDOL KO SI SIR

Ang kuwentong ito ay orihinal na gawa ni Mike Juha

Tags:
One Response to “Puno ng Pagmamahalan”
  1. chrisman says:

    ohhhhhhhh ang sweet

  2.  
Leave a Reply